Tahan Na,
Aking anak,
Sapagka’t may makikinig ba,
Sa iyong pinaglalaban,
Sumigaw ka man ay lubhang kulang,
Sa tengang bingi at matang nagbubulag-bulagan.
Tahan Na,
Aking anak,
Dinaya ka man ay tanggapin na lang,
Ipaglaban ay lubhang kulang,
Katwiran ay hwag nang ipagpilitan,
Hustisya’y para lang sa ilan.
Tahan Na,
Aking anak,
Luha mo’y mauubos lamang,
Kung hindi mo kayang pigilan,
Ilabas ang hikbi sa kadiliman,
Kakampi mo ang panyo’t unan.
Tahan Na,Aking anak,
Akong iyong ina’y nakikiusap na,
Paano ba kita mapapatahan,
Upang ang iyong panaghoy,
Ay maikubli mula sa makapangyarihan,
Na ayaw sa kaingayan.
Tahan Na,
Aking anak,
Damhin mo ang yakap ko,
Sa gitna ng kaguluhan,
Handa kang ipaglaban,
Sa iba’y wala akong pakialam.
Tahan Na,
Aking anak,
Narito ako ang iyong ina,
Ang takot mo’y papawiin,
Kumapit ka lamang sakin,
Kamatayan ay handang harapin,
Hindi kita lilisanin.
Written By:
Jenny Lind M.
December 22, 2020 | Cavite
Dedicated to the Gregorio Family who were brutally murdered, captured in video, may you receive Justice.
